Sunday, September 30, 2012

Kada Lunes ng Umaga

Lunes nanaman ng umaga
at siksikan nanaman sa MRT.
Gitgitan, banggaan, tapakan.
Unahan sa paglabas sa pintuan,
sabay lakad nang mabilis pababa.

Lahat ay nagmamalading makatawid,
makarating sa kanya-kanyang destinasyon.
Ang tanging nais ko lamang
ay makarating sa istasyon ng LRT.
Kung saan isang sakay na lamang
ay makakarating na 'ko sa Katipunan.

Lunes nanaman ng umaga
at dadaan nanaman ako sa Cubao.

Sunday, September 23, 2012

Twitter, Trending, atbp.

"Trending na naman 'to oh!"

"Ano ba ang trending ngayon?"

"Siguradong magte-trending 'to!"

"Tara! Ipa-trend natin 'to!"

Ilan lang ito sa mga madalas nating marinig na sambitin ng mga tao, madalas sa telebisyon, sa panahong ito.

"TRENDING"
Ano nga ba ang ibig sabihin ng trend o trending? Hindi na ako bubuklat ng diksyunaryo para hanapin ang teknikal na kahulugan ng salitang trending. Ang trending ay kadalasang ginagamit sa internet, lalo na sa Twitter. Ang trends ay ang mga kasalukuyang pinag-uusapan ng madla, ang sikat, ang uso. Naging isang batayan na rin ito ng kasikatan. Kapag trending ka, sikat ka, o di kaya'y kontrobersyal.

Kinunan ko ng litrato ang mga trending topics sa kasalukuyan sa Twitter:

May napapansin ka ba? Pito (ata) sa sampung trending topics WORLDWIDE ay Pinoy. Marahil ito ay dahil kasalukuyang pinapalabas sa ABS-CBN ang Gandang Gabi Vice (GGV). Kada linggo, kapag pinapalabas ang show na ito ni Vice Ganda, binabaha ang Twitter ng tweets ng mga manononood ukol sa palabas na ito. Ngunit araw-araw naman ay hindi halos nawawalan ng kahit isang trending topic na Pinoy sa worldwide trends. Pinapakita lang nito kung gaano kalakas magtweet ang mga Pinoy, na sa sobrang lakas at sa sobrang dami ng tweets galing sa Pilipinas, nasasakop na natin ang halos lahat (kung minsan nga ay lahat na) ng slots sa worldwide trends. 

Ganito na nga ba talaga kalulong ang mga Pilipino sa paggamit ng internet, partikular ang Twitter? Bakit nga ba hiyang na hiyang ang mga Pilipino sa mga social networking sites? Meron pa bang tao sa Pilipinas na walang Facebook o Twitter? Aaminin ko'ng pati ako ay hindi nakakaraos ng isang araw na hindi nagbubukas ng Facebook at Twitter. Pakiramdam ko ay hindi ako updated kapag hindi ako nakapag-online. Marahil ay ito rin ang pakiramdam ng lahat ng ibang Pilipinong naaadik sa Twitter. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit patok na patok ang Twitter sa mga Pilipino. O di kaya'y nais lang nating makisunod sa uso, sa kung ano ang sikat. Halos lahat na ng artista ngayon ay may Twitter account, kaya gumaya naman ang buong Pilipinas para hindi mahuli sa uso.

Ano ang trending ngayon? Twitter. 'Yan ang kahulugan ng trending.

Thursday, September 6, 2012

Dalit ni Lailani



Labadang napakaputi,
Siyang nagtanim ng binhi
Upang pangarap kong munti
Ay di tuluyang masawi.






Larawan mula sa: http://statspotting.com/wp-content/uploads/2012/03/tide.jpg.

Thursday, August 2, 2012

Oxford comma: kailangan nga ba?

Oxford comma.

Ano nga ba ang Oxford comma? Ang Oxford comma ay isang natatanging uri ng kuwit na nakikita bago ang salitang "at" o "and" kung sa Ingles. Ito ay tinatawag ding "serial comma."

Halimbawa:

Hindi gumagamit ng Oxford comma:
  • Mahilig akong kumain ng keyk, serbetes, tsokolate at gulay.
Gumagamit ng Oxford comma:
  • Mahilig akong kumain ng keyk, serbetes, tsokolate, at gulay 


http://sheribomb.com/?p=191

Natawa ako noong makita ko ang litratong iyan sa Tumblr. Bago ko pa man makita ang litratong iyan, alam ginagamit ko na ang kuwit na tinatawag na "Oxford comma" ngunit hindi ko alam na may pangalan pala ito. 

Iilan lang ang gumagamit pa rin ng Oxford comma sa panahong ito at isa na ako roon. Siguro ay dala lang ito ng aking pagiging "OC" kaya nakasanayan ko na ang paggamit nito. Noong una ay hindi ko naman talaga alam ang ginagawa ng Oxford comma, ngunit patuloy ko pa rin itong ginagamit. Nang makita ko ang larawang nasa itaas, tsaka ko lang naintindihan ang gamit ng kakaibang kuwit na ito.

.....................

Ngunit sa proseso ng paggawa ng blog post na ito, may nakita akong isa pang larawang may kaugnayan sa Oxford comma na nagpaisip sa akin kung kailangan nga ba talagang gamitin ang Oxford comma sa lahat ng oras...

http://languagehippie.blogspot.com/2011/12/on-pedantry-ambiguity-and-oxford-comma.html

Sinasabi rito na bagamat tama ang gumamit ng Oxford comma, may ilang pagkakataon pa rin na nagiging dahilan ito ng pagkakaroon ng dalawang kahulugan ng isang pangungusap at nagiging sanhi ng higit na pagkalito ng mambabasa.

May ilang mga artikulo akong nabasa tungkol sa paggamit ng Oxford comma. Ang ilan ay nagdedebate pa rin hanggang ngayon kung tama nga ba ang gumamit ng Oxford comma o hindi. Para sa akin, ang paggamit ng Oxford comma ay isang bagay na nakasanayan ko na, at ginagamit ko ito dahil sa tingin ko ay mas pormal ang dating kapag mayroon nito, ngunit hindi nangangahulugang mali at impormal ang hindi paggamit ng Oxford comma. 

Marahil ay dapat lang malaman ng manunulat kung kailan at hindi kailangang gumamit nito upang hindi malito ang kanyang mga mambababasa, at kung ano ang sa tingin niya ang mas epektibong paraan upang maiparating nang walang ambiguity o double meaning ang nais niyang ipahayag.




Saturday, July 7, 2012

Si RIO: Ang babaeng nakilala ko sa aking ALMA Mater

Nitong ilang nakaraang linggo ay madalas na nababanggit ang mga tula at aklat ni Rio Alma sa klase sa Filipino. Ang pangalang Rio Alma ay nagpapaalala sa akin ng isang tao: ang aking matalik na kaibigang si Rio na nakilala ko sa Colegio San Agustin - Makati, ang aking Alma Mater.

Si Rio at Ako


Si Rio ay nakilala ko noong kami ay nasa ikalawang baitang pa lamang, humigit kumulang sampung taon na ang nakararaan. Magkasama kami sa iisang barkada noong taong iyon, ngunit noong natapos ang taon ay waring natapos rin ang pagkakaibigan namin. Karaniwang eksena naman iyon noon dahil kami ay bata pa at karamihan naman sa mga nagiging kaibigan mo sa grade school ay mawawala rin kapag hindi na kayo magkaklase. Naging magkaklase kaming muli noong kami ay nasa ika-anim na baitang na. Naging bahagi kaming muli ng iisang barkada (na nabuwag rin nang matapos ang taong iyon). Naging mas malapit kaming magkaibigan dahil naging magkaklase ulit kami noong ikapitong baitang at sa buong apat na taon ng high school.

Sa tagal ng aming pagkakaibigan, hindi na matatawaran ang pagkamalapit namin sa isa't isa. Sa kasalukuyan ay parte kami ng isang barkadang nabuo namin noong high school na tinatawag naming Super9. Lahat kami ay naging magkakaklase dahil naging bahagi kami ng "pilot section" ng aming batch. Napakarami naming magagandang alaala sa high school. Lagi kaming nagkekuwentuhan at nagtatawanan. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi kami nagkakaintindihan ngunit palagi namang naaayos. Si Rio ay mahilig magbiro kaya masaya siyang kasama. Matalino siya ngunit minsan ay parang wala sa sarili kaya nabansagan siyang "blonde" sa aming barkada. Buong high school ay siya ang nakasama ko. Siya ang naging katuwang ko sa halos lahat ng bagay.

Super9


Sa pagtatapos namin ng high school ay nagpatuloy ang aming pagkakaibigan. Magkaiba man kami ng mga pinasukang unibersidad, sinisigurado naming may oras pa rin kami para sa isa't-isa. Bihira na kaming magkita at magkausap dahil parehas kaming maraming ginagawa sa paaralan ngunit kapag nagkikita kami, parang wala paring nagbago. Siya pa rin ang aking matalik na kaibigan na nakasama ko ng napakaraming taon. Anuman ang mangyari, kahit gaano pa man kalayo ang UST sa Ateneo at kahit gaano pa man karami ang makilala kong mga bagong kaibigan, si Rio pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan, sapagkat siya ay walang katulad.