![]() |
Si Rio at Ako |
Si Rio ay nakilala ko noong kami ay nasa ikalawang baitang pa lamang, humigit kumulang sampung taon na ang nakararaan. Magkasama kami sa iisang barkada noong taong iyon, ngunit noong natapos ang taon ay waring natapos rin ang pagkakaibigan namin. Karaniwang eksena naman iyon noon dahil kami ay bata pa at karamihan naman sa mga nagiging kaibigan mo sa grade school ay mawawala rin kapag hindi na kayo magkaklase. Naging magkaklase kaming muli noong kami ay nasa ika-anim na baitang na. Naging bahagi kaming muli ng iisang barkada (na nabuwag rin nang matapos ang taong iyon). Naging mas malapit kaming magkaibigan dahil naging magkaklase ulit kami noong ikapitong baitang at sa buong apat na taon ng high school.
Sa tagal ng aming pagkakaibigan, hindi na matatawaran ang pagkamalapit namin sa isa't isa. Sa kasalukuyan ay parte kami ng isang barkadang nabuo namin noong high school na tinatawag naming Super9. Lahat kami ay naging magkakaklase dahil naging bahagi kami ng "pilot section" ng aming batch. Napakarami naming magagandang alaala sa high school. Lagi kaming nagkekuwentuhan at nagtatawanan. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi kami nagkakaintindihan ngunit palagi namang naaayos. Si Rio ay mahilig magbiro kaya masaya siyang kasama. Matalino siya ngunit minsan ay parang wala sa sarili kaya nabansagan siyang "blonde" sa aming barkada. Buong high school ay siya ang nakasama ko. Siya ang naging katuwang ko sa halos lahat ng bagay.
![]() |
Super9 |
Sa pagtatapos namin ng high school ay nagpatuloy ang aming pagkakaibigan. Magkaiba man kami ng mga pinasukang unibersidad, sinisigurado naming may oras pa rin kami para sa isa't-isa. Bihira na kaming magkita at magkausap dahil parehas kaming maraming ginagawa sa paaralan ngunit kapag nagkikita kami, parang wala paring nagbago. Siya pa rin ang aking matalik na kaibigan na nakasama ko ng napakaraming taon. Anuman ang mangyari, kahit gaano pa man kalayo ang UST sa Ateneo at kahit gaano pa man karami ang makilala kong mga bagong kaibigan, si Rio pa rin ang pinakamatalik kong kaibigan, sapagkat siya ay walang katulad.
Natutuwa ako sa pagsusulat mo tungkol sa iyong kaibigan, subalit ibig nating lumampas pa sa pansarili lang ang halaga ng kabatirang ibinabahagi sa blog entry. Ibig kong balikan mo pa ang ating "Checklist" sa http://nobelangatisan.blogspot.com/2012/06/checklist-bago-ipasa-ang-blog-entry.html at pagmunian lalo na ang una at ikalawang tanong bago muling magsulat at magpasa ng entry sa akin.
ReplyDelete